Manila, Philippines – Hindi bibigyan ng kapangyarihan na mag-isyu ng traffic violation tickets ang mga dineputize ng PNP Highway patrol Group o HPG na motorcycle riders ng Citizens Crime Watch o CCW.
Ito ang paglilinaw ni CCW National president and founder Jose Malvar Villegas matapos pirmahan kahapon ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng HPG at CCW, kung saan magiging force multiplier ng HPG ang 10,000 CCW riders sa pagbabantay sa mga lansangan.
Sinabi ni Villegas, magiging papel ng mga CCW riders ay mag-report lang sa HPG o sa PNP ng mga nakikita nilang violations sa daan.
Maging ang mga pang-aabuso na ginagawa mismo ng mga pulis o traffic enforcers tulad ng pangongotong sa mga motorista ay maari nilang i-report.
Sinabi naman ni HPG director CSupt. Arnel Escobal na pwede ring tumulong sa pagresolba ng mga traffic incidents tulad ng mga banggan, o aksidente sa daan ang mga deputized CCW riders hanggang sa dumating ang mga awtoridad.
Ngunit hindi aniya aarmasan ang mga riders dahil may mga batas na dapat sundin sa pagdadala ng armas.