
Hindi kukunsintihin ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang ginawang pambabastos ng lalaking councilor sa kasamahan nito.
Matapos ang privilege speech ni Councilor Eunice Castro laban sa misconduct na ginawa ni Councilor Ryan Ponce, iginiit ni Vice Mayor Chi na siya ang presiding officer ng City Council na hindi kukunsintihin ng Konseho ang anumang uri ng harassment sa loob o labas ng session hall.
Gayunman, binigyang-diin din ng Bise Alkalde na parehong karapatan ng nagreklamo at ng inirereklamo ang due process.
Agad nang idinulog ang kaso sa Committee on Ethics and Good Government para imbestigahan, katuwang ang City Legal Office, at posibleng ihain ang reklamo sa ilalim ng Civil Service Laws, Code of Conduct for Public Officials, at Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.
Nanawagan naman si Atienza na hayaang gumulong ang imbestigasyon nang patas, at panatilihin ang respeto sa karapatan at dignidad ng parehong panig.
Aniya, tungkulin nilang matiyak na mananatiling ligtas at may integridad ang Konseho ng Maynila sa kabila ng nasabing isyu.









