
Pinulong na ng mga lokal na pamahalaan sa Southern Metro Manila ang mga residente at mga rescuer sa bawat lungsod bilang paghahanda naman sa Bagyong Fabian.
Kung saan, tinalakay sa Disaster Preparedness Orientation kung ano ang maaring gawin o paano rumesponde habang tumatama ang matinding pag-ulan o epekto ng bagyo.
Marami kasi sa ating mga kababayan ang nagpapakampante kahit pa alam nila na aabutin na sila ng pagtaas ng tubig at kailangan nang lumikas.
Bukod pa rito, patuloy rin ang declogging activity — paglilinis ng mga kanal at estero para naman maiwasan ang malawakang pagbaha na naranasan noong nagdaang mga bagyo at habagat na kumitil din sa ilang mga buhay kaya mas maigi na raw na handa sa mga ganitong uri ng kalamidad.
Una nang sinabi ng mga local government unit (LGU) na nakahanda na ang mga relief good at evacuation centers para sa mga maapektuhan ng mga bagyong posibleng pumasok pa sa bansa.









