*Cauayan City, Isabela*- Isinailalim na sa ‘Community Quarantine’ ang Lungsod ng Ilagan dahil sa banta ng Corona virus o COVID-19 simula ngayong araw hanggang April 14, 2020.
Ito ay batay sa ipinalabas na Executive Order No. 11 na pirmado ni Mayor Jay Diaz.
Ayon kay City Information Officer Paul Bacungan, maaari pa rin aniya ang paglabas at pagpasok sa lungsod subalit doble lang ang gagawing paghihigpit para matiyak ang hindi pagkalat ng nasabing sakit.
Batay sa datos ng City Health Office, pumalo ng 1,544 ang mga biyahero mula NCR ang umuwi sa lungsod at 44 ang foreign na Persons under monitoring (PUMs) habang nakapagtala ng kauna-unahang Person under investigation ang siyudad.
Dagdag pa ni Bacungan na maghihigpit din ang lokal na pamahalaan ng Ilagan sa mga ibibiyaheng good gaya ng gulay na papasok sa siyudad.
Sa kabila nito, kinakailangan din na magpresenta ng mahahalagang impormasyon ang isang tao na galing sa labas gaya ng pagpapakita ng IDs, dahilan ng pagpasok sa lungsod at tagal ng pananatili nito maging ang mga kumpanyang pinagtatrabahuhan ay kailangan din malaman at sumailalim sa protocols.
Samantala, kabilang din sa babantayan ang 10 pasahero para sa pampasaherong jeep, minibus o coaster na 20 pasahero at sa pampasaherong tricycle ay mananatili ang dalawang sakay.
Nagpaalala din si Bacungan sa publiko na mangyaring sundin ang payo ng awtoridad at iwasan ang pakalat-kalat sakaling may history ng travel mula sa NCR dahil anumang oras ay maaaring arestuhin ang sinumang magbabalak na gumala batay sa nakasaad sa Quarantine Act of 2004.