City of Ilagan, Isinailalim sa ECQ; Guidelines Implementation, Inilabas na

Cauayan City, Isabela- Isasailalim sa Enhanced Community Quarantine ang lungsod ng Ilagan simula alas-otso mamayang gabi hanggang katapusan ng buwan ng Oktubre.

Ito ay makaraang lumobo ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

 

Ayon kay City Mayor Josemarie ‘Jay’ Diaz, maghihigpit na rin ang mga otoridad sa lungsod para sa mga papasok na Authorized Persons Outside Residence (APOR).


 

Aniya, iniimbestigahan din nila ang impormasyong isang guro ang umuwi sa lungsod mula sa kalakhang maynila na posibleng nakahawa sa iba pang mga guro maging ang ‘men in uniform’ personnel na umalalay sa kanya pauwi ng probinsya.

 

Batay sa Guidelines implementation, hindi pa rin maaring lumabas ng bahay ang mga edad 21 hanggang 60 lalo na ang may mga mahihina ang resistensya, comorbidity o dati ng may mga sakit gayundin ang buntis.

 

Pinapayagan naman ang ilang establisyimentong magbukas na may kinalaman sa mga essential good and services at iba pang importanteng pangangailangan subalit 50% lang ang magiging operational capacity ng mga ito.

 

Bukod dito,pinapahintulutan din ang immediate family members na dumalo sa burol ng isang pumanaw na miyembro ng pamilya kasabay ng obserbasyon ng social distancing.

 

Hindi rin papayagan ang mga hotels na mag-operate maliban kung may mga guest na may existing booking para sa mga banyaga simula buwan ng Marso at Mayo maging ang mga repatriated at distressed OFWs.

 

Suspendido rin ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon maliban sa ilang sasakyang ginagamit ng mga kawani sa ilalim ng pamahalaan.

 

Kakailanganin din na maipresenta ang ilang IDs na magpapatunay ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal lalo na ang mga empleyado ng isang pribadong kumpanya.

 

Mensahe naman ng alkalde sa publiko ang suporta na ugaliin ang pagsusuot ng face mask at social distancing para makaiwas sa banta ng COVID-19.

 

Nagbabala rin ito sa mga lalabag sa polisiya na papatawan ng karampatang parusa ang mga ito.

 

Sa ngayon ay nasa kabuuang 215 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Facebook Comments