CITY OF ILAGAN, KINILALA ANG TAGUMPAY NG KANILANG MGA ATLETA

 

Cauayan City — Pormal na kinilala at pinarangalan ng Pamahalaang Panlungsod ng Ilagan ang tatlong natatanging atletang Ilagueño sa pamamagitan ng magkakahiwalay na resolusyon ng Sangguniang Panlungsod, bilang pagkilala sa kanilang mga pambihirang tagumpay na nagbigay-dangal sa lungsod sa pambansa at internasyonal na antas.

Pinangunahan ang pagkilala kay Aeron B. Lanuza, na nag-uwi ng prestihiyosong IPSC President’s Medal at ilang kampeonato sa 47th Southeast Asia Shooting Association Level III Shoot-Off na ginanap sa Pattaya, Thailand.

Tinalo ni Lanuza ang mga top shooter sa rehiyon matapos tanghaling Production Division Champion, Production Overall Champion, Production Team Champion, at Production Shoot-Off Champion, patunay ng kanyang kahusayan at disiplina sa larangan ng shooting sports.

Pinarangalan din ng lungsod si Hokett Delos Santos matapos nitong masungkit ang gold medal sa 1,500-meter decathlon sa Southeast Asian Games, isang tagumpay na nagbigay karangalan hindi lamang sa Ilagan kundi sa buong bansa, at nagsilbing inspirasyon sa mga kabataang atleta.

Samantala, kinilala rin si Rommel M. Cadorna para sa kanyang exemplary performance sa UAAP Season 88 Athletics Games, kung saan nanalo siya ng gold medal sa high jump at silver medal sa long jump.

Si Cadorna ay produkto ng Ang Lakas ng Batang Ilagueño Program, na ayon sa City Council ay patunay ng epektibong youth at sports development initiatives ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa Sangguniang Panlungsod, ang mga parangal ay pagkilala sa dedikasyon, disiplina, at determinasyon ng mga atletang Ilagueño, at nagsisilbing inspirasyon sa kabataan na magsikap at magtagumpay sa kani-kanilang larangan sa pamamagitan ng sports.

Courtesy of City Governement of Ilagan

Facebook Comments