Cauayan City, Isabela- Nakategorya na rin bilang Community Transmission ng COVID-19 ang City of Ilagan makaraang makapagtala ng 83 active cases sa nakalipas na magdamag.
Ito ay batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH) region 2.
Ayon kay Health Education and Promotion Officer Pauleen Atal, hindi na tukoy ng ahensya kung saan nagmula ang pagkahawa ng karamihan sa mga pasyente.
Batay naman sa workplace transmission, nananatili pa rin sa listahan ang Region 2 Trauma and Medical Center sa Nueva Vizcaya at Adventist Hospital sa Santiago City.
Nadagdagan naman ang mga lugar na may local transmission na kinabibilangan ng mga bayan ng Alicia, Cauayan City, Santiago City, San Manuel, Gamu sa Isabela habang bayan naman ng Bayombong, Bagabag at Aritao sa Nueva Vizcaya maging sa bayan ng Enrile sa Cagayan.
Samantala, pumalo na sa 32 ang naitalang kaso ng pagkamatay may kaugnayan sa COVID-19 ang buong rehiyon dos.
Sa ngayon ay nasa higit kumulang 2,000 confirmed cases na ang naitala sa buong rehiyon habang 343 ang nananatiling aktibo.