Mahigpit na babantayan ng Civil Disturbance Management Unit ng Philippine National Police (PNP) ang mga kilos-protesta sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Val de Leon, mayroon silang itinalagang mga pulis para sa crowd control upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa SONA.
Sinabi pa nito na tanging sa mga freedom parks lang maaaring magdaos ng mga pagkilos.
Aniya, magkakaroon lang ng pagresponde ang mga pulis kung lalabas ang mga militante sa mga freedom park, magmamartsa at magpupumilit makalapit sa Batasang Pambansa.
Kasunod nito, nanawagan ang PNP sa mga raliyista na payapang idaos ang kanilang mga pagkilos sa SONA ni PBBM.
Una nang kinumpirma ng grupong Bayan at ng iba pang makakaliwang grupo na magtitipon tipon sila sa Hulyo 25 upang ipahayag ang pagkadismaya sa pagkakaluklok sa pwesto ni Marcos Jr.