Civil Service Commission, may paalala sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na pabaya sa tungkulin

Mahigpit na pinaalalahanan ng Civil Service Commission o CSC ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na ayusin ang pagsisilbi sa mga mamamayan na nagpapasahod sa kanila.

Ayon kay Civil service Commissioner Atty. Aileen Lizada dapat gamitin sa oras ng trabaho ang kanilang mga oras na itinakda sa paglilingkod sa pamayanan.

Napuna ni Commissioner Lizada na karamihan sa mga kawani ng gobyerno ay sa opisina pa nag-a-almusal sa halip na magsimula na magtrabaho habang ang iba naman ay nahuli pa nila na nagme-make up, naglalagay ng kilay at may mga nagpapa-pedicure pa.


Sa isa pulong balitaan sa Maynila ikuwinento ni Commissioner Lizada  na anim na araw nilang  inikot ang limang rehiyon sa bansa ilan gaya  Region 1, 3, 5, 8 at Cordillera Administrative Region kung saan nasaksihan niya ang kawalang dedikasyon ng mga kawani ng pamahalaan sa kanilang tungkulin.

Paalala ni Commissioner Lizada dapat maging ehemplo ang mga kawani lalo na ang mga frontliner sa serbisyo dahil sa ngayon ay mataas na ang kanilang mga suweldo.

Pinuri naman niya ang isang sangay ng PAGIBIG at ang isang sangay ng Bureau of Fire Protection sa Baguio City lalo na ang nasa desk duon na napakagalang at agad na ibinigay sa kanila Ang mga impormasyon na kanyang hinihingi, gaya ng fire incidents at ilan pang dokumento na kaugnay sa kanilang inquiry.

Muling lilibot sa mga rehiyon ang grupo ni Commissioner Lizada upang matukoy ang mga ahensiya na sumusunod sa quality standard na itinatakda ng CSC.

 

Facebook Comments