Pinag-aaralan na ngayon ng Civil Service Commission (CSC) kung ibababa nito ang passing grade sa CSC exams para sa mga nagnanais makapasok sa gobyerno.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada na kanila nang napag-usapan ang proposal sa nakalipas nilang pagpupulong.
Paliwanag nito, mismong ang Kataas-Taasang Hukuman ay ibinaba na ang kanilang passing rate para sa mga nag-aambisyong maging abogado.
Pero depensa ni Lizada, hindi nangangahulugang kapag ibinaba nila ang passing rate ay bababa rin ang kalidad na makukuha nilang public servants.
Giit nito, sa pamamagitan ng pagpapababa ng passing rate ng CSC exam ay darami pa ang lingkod bayan.
Matatandaang Agosto nang nakalipas na taon, nasa 11.62% lamang o 29,733 examinees mula sa kabuuang 255,778 takers ng CSC career service exam ang nakapasa.
Sa ngayon, nananatiling suspendido ang CSC exam dahil sa banta ng COVID-19 at posibleng isagawa ito sa susunod na taon.