Civil Service Modernization project, aprubado na ng NEDA board

Halos dalawang milyong public servants ang inaasahang magbebenepisyo sa Philippine Civil Service Modernization Project (PCSMP).

Ito ang ibinida ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P3.8-bilyong proyekto.

Ayon kay Balisacan, ito ay isang mahalagang inisyatibo para sa pag-unlad ng mga proseso ng pamamahala ng human resources sa pampublikong sektor na sinasabing ipatutupad mula 2025 hanggang 2029.


Sa Malacañang Insider, sinabi ni Balisacan na sa pamamagitan ng modernisasyon ay mas magiging maayos at interconnected ang mga ahensya ng pamahalaan at magiging digitalized ang paghawak sa pampublikong pondo at pagtatalaga sa mga bakanteng posisyon sa public sector.

Binanggit ni Balisacan, ang kasalukuyang sistema na aniya’y hindi epektibo, partikular sa pagpuno ng mga bakanteng posisyon at kakulangan sa pagkonekta ng mga ahensya, na nagiging dahilan ng mababang productivity ng gobyerno.

Ibinida rin ng kalihim na ang PCSMP ay makatutulong sa mas mabilis at maayos na paggamit ng pondo ng iba’t ibang ahensya upang masiguro ang maagap na serbisyo sa publiko.

Facebook Comments