Civil society group, nanawagan sa PNP na makipagtulungan sa ICC

Isang civil society group ang nanawagan sa Philippine National Police (PNP)  na makipagtulungan sa pormal na imbestigasyong isasagawa ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs.

Ayon kay Dr. Aurora Parong, co-chair ng Philippine Coalition for the International Criminal Court, umaasa siyang gagawin ng PNP ang tama para sa mga naging biktima ng paglabag ng karapatang pantao.

Aniya, sa ICC lamang kasi nila nakikita na makakamit ng pamilya ng mga biktima ang hustisya.


Samantala, sinabi naman ni PNP Chief Guillermo Eleazar na nakahanda silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyong isasagawa pero kinakailangan muna nilang sumunod sa chain of command.

Ang PNP ay isang attached agency ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa ilalim ng Ehekutibo.

Batay sa datos mismo ng gobyerno, nasa higit 6,000 suspek na sangkot sa iligal na droga ang nasawi sa isinagawang anti-drug operations mula noong 2016.

Facebook Comments