Wednesday, March 11, 2026

Civil society leaders, dumulog sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang ilang probisyon ng Bangsamoro Autonomy Act 86 at 88

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang civil society leader na layong kuwestiyunin ang pagiging Konstitusyonal ng Bangsamoro Autonomy Act (BAA) 86 at ilang probisyon ng Bangsamoro Autonomy Act 88.

Ayon sa mga petitioner na sina Sultan Alim Saad Amate at Maulana Mamutuk, hindi umano nasunod ng BAA 86 ang gabay ng Korte Suprema sa paghahati ng parliamentary districts alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.

Halimbawa umano nito ang sitwasyon sa Lanao del Sur, kung saan ang Marawi City na may mahigit 259,000 na populasyon ay may isang parliamentary district lamang, samantalang ang Special Geographic Area, na aabot sa 214,000 na residente ay may dalawang distrito.

Kinuwestiyon din ang ilang probisyon ng BAA 88 na umano’y nagkansela ng accreditation ng mga political party nang walang abiso at walang paglabag kahit marami sa mga ito ang sumusunod pa rin anila sa bagong requirements.

Isinama rin ng mga petitioner ang ginawang paglalaan ng ₱500 million sa Commission on Elections (COMELEC) mula sa pondo ng BARMM para sa isasagawang parliamentary elections.

Dahil dito, hiniling nila sa Korte Suprema na maglabas ng status quo ante order at injunction upang pansamantalang ipatigil ang implementasyon ng mga probisyong kinukwestiyon.

Sinabi ng mga petitioner na bagama’t suportado nila ang halalan, dapat umano itong magbunga ng lehitimong pamumuno sa Bangsamoro na nakabatay sa Konstitusyon at patas na representasyon.

Facebook Comments