Isinusulong ni Senator Robinhood Padilla ang pagsasabatas ng ‘civil union’ ng mga ‘same sex couples’.
Tinukoy sa Senate Bill 449 na hanggang ngayon ay wala pa ring batas na magbibigay proteksyon sa pantay na karapatan at pribilehiyo ng mga same-sex couples.
Sa panukala ni Padilla na tatawaging “Civil Unions Act” ay kikilalanin na ng estado ang civil union ng parehong kasarian kaakibat ng mga karapatan, proteksyon at pribilehiyo na nakapaloob sa panukalang batas.
Sa oras na maging ganap na batas ay pahihintulutan ang same-sex couple na naninirahan sa isang bahay na i-rehistro sa civil registrar ang kanilang pagsasama.
Ang seremonya naman ng civil union ay maaaring isagawa ng huwes, mayor, konsul na may dalawa o higit pang saksi.
Ang mga ito ay mabibigyan na ng karapatan tulad ng nasasaad sa Family Code gaya ng conjugal partnership, hiwalay na pagmamay-ari, adoption rights, inheritance rights at iba pang benepisyo na natatanggap din ng mga “hetero-sexual couples”.
Naniniwala si Padilla na panahon na para mabigyan na rin ng pantay na karapatan at pagkilala ang mga same-sex couples kung saan ang kanilang sexual relationships ay napoprotektahan din at nabibigyan ng access sa basic social protection at security.