Mahigpit na mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isinasagawang civilian mission ng Atin Ito Coalition sa Bajo de Masinloc.
Kinumpirma ito ni Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea, Cdre. Roy Vincent Trinidad, kung saan ibinahagi niyang nagpadala sila ng barko upang tutukan ang nasabing aktibidad.
Matatandaang nakatanggap ng mga ulat hinggil sa biglaang pagdami ng mga barko ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia Vessel sa paligid ng Bajo de Masinloc na layong harangin umano ang convoy ng Atin Ito Coalition.
Tumanggi namang magbigay ng detalye si Trinidad ukol sa distansya ng naturang mga barko ng Navy upang masiguro ang kaligtasan ng mga pumalaot.
Kaakibat nito ay nakipag-ugnayan ang AFP sa Philippine Coast Guard (PCG) upang magtulungan sa isinasagawang pagbabantay.
Kahapon lamang nang simulan ang pagpapalaot ng Atin Ito patungong Bajo de Masinloc at inaasahang tatagal hanggang Biyernes o ika-17 ng Mayo.