Inilatag ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang kanyang mga plano, programa at vision para sa susunod na limang taong pamumuno niya sa hudikatura sa harapan ng Board of Governors at mga miyembro ng Philippine Constitution Association (Philconsa).
Sa kanyang talumpati bilang panauhing pandangal sa online celebration ng 60th Founding Anniversary ng Philconsa, inihayag ng Chief Justice na sa tulong kanyang mga kapwa mahistrado sa Supreme Court, plano niyang tumututok sa case decongestion at magkaroon ng technology-driven Judiciary.
Sinabi ng Punong Mahistrado na sinimulan ng Korte Suprema ang isang Case Decongestion Program sa pag-asang mababawasan ang kanilang backlogs.
Inamyendahan aniya ng korte ang kanilang internal rules upang maka-comply sa Constitutional mandate na dalawang taon para sa resolusyon ng mga kaso.
Binigyan diin din ni Chief Justice Gesmundo ang kahalagahan ng pagpili ng competent judges.
Inobliga ng Judicial and Bar Council (JBC) ang non- judge applicants na sumailalim sa Prejudicature Program ng Philippine Judicial Academy (PhilJA), upang matukoy ang kanilang kahandaan at pagiging angkop sa posisyon.
Binanggit din ng Chief Justice ang pagtatatag ng Judicial Integrity Board (JIB), na may exclusive jurisdiction na mag-imbestiga sa judicial misconduct at magrekomenda ng akmang kaparusahan.