Sa kanyang virtual press forum, sinagot ni Chief Justice Diosdado Peralta ang hinggil sa petisyon para sa pansamantalang paglaya ng ilang political at vulnerable detainees sa panahon ng COVID-19 pandemic, kasama na si Reina Mae Nasino na buntis noong mga panahon na inihain ang petisyon.
Aniya, inatasan niya na noon pa ang Manila Regional Trial Court na aksyunan na ang apela ni Nasino para pansamantalang makalaya at makasama ang kanyang anak noong nabubuhay pa ang sanggol.
Ayon kay CJ Peralta, ang pag-refer niya sa RTC ay signal na para umaksyon ang hukuman sa petisyon.
Nanganak na si Nasino noong Hulyo at nais niya sanang makasama ang kanyang sanggol ngunit makalipas ang tatlong buwan ay binawian ito ng buhay.
Nabigyan ng korte si Nasino ng maikling furlough para makapunta sa burol at libing ng anak noong nakalipas na linggo.