Manila, Philippines – Hindi haharap sa impeachment case nito bukas si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno para sa unang pagdinig ng pagdetermina ng probable cause sa reklamong inihain sa kanya.
Nagsumite si Sereno ng liham kalakip ang Special Power of Attorney (SPA) sa House Committee on Justice para igiit ang `right to counsel` at payagan na katawanin niya ang kanyang mga abogado para makapag-cross examine ang mga ito sa mga testigong ihaharap ng complainant na si Atty. Larry Gadon.
Nakasaad sa liham ni Sereno na hindi na niya kailangang dumalo sa hearing dahil naipaliwanag na niya ang kanyang panig sa isinumiteng reply sa complaint ni Gadon.
Nasa 11 abogado naman ang itinalaga ni Sereno na katawanin sa pagdinig bukas.
Kabilang dito sina Atty. Alexander Poblador, Dino Vivencio Tamayo, Anzen Dy, Justin Christopher Mendoza, Carla Pingul, Sandra Mae Magalang, Jayson Aguilar, Oswald Imbat, Enrico Edmundo Castelo II, Charles Richard Avila Jr., at Patricia Geraldez.