Manila, Philippines – Nanindigan ang kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes na hindi ito magbibitiw sa pwesto.
Ito ay kahit pa nahaharap ang Punong Mahistrado sa impeachment complaint at hinamon pa ni Pangulong Duterte na magbitiw na sa pwesto.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni CJ Sereno, hindi magre-resign ang Punong Mahistrado.
Naninindigan ang kampo ni Sereno na wala itong ginawang labag sa batas, iligal o impeachable.
Sinabi pa ni Deinla na ang gusto lang ni Sereno ay maipagpatuloy ang kanyang tungkulin bilang Punong Mahistrado.
Samantala, naghain naman na ng rejoinder ang kampo ni Sereno sa inihaing sagot ni Atty. Larry Gadon sa reply nito sa impeachment complaint.
Giit ng kampo nito, mismong si Gadon ang umamin na ang ilang reklamo nito laban kay Sereno ay hindi impeachable offense.
Dagdag naman ni Atty. Justin Mendoza, umaasa silang mapagbibigyan ang hiling ni Sereno na makapagtanong sa mga saksing ihaharap ni Gadon sa Committee on Justice.