CJ SERENO IMPEACHMENT CASE | Botohan sa committee report ng impeachment complaint at articles of impeachment, ipinagpaliban

Manila, Philippines – Ipinagpaliban ng House Committee on Justice ang botohan sana bukas sa committee report ng impeachment complaint at articles of impeachment laban kay Supreme Court Chief Jutice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, maaaring sa Lunes o Martes na matuloy ang botohan dito.

Paliwanag ni Umali, hindi pa matutuloy ang kanilang botohan sa komite dahil hindi pa natatapos ang articles of impeachment.


Sinabi ni Umali na gusto nilang maging kumprehensibo dito at kanilang pagdedesisyunan kung alin alin sa mga alegasyon ang aalisin, depende sa kaakibat na ebidensiya.

Tiyak naman na maisasama sa lilitising alegasyon laban kay Sereno ang hindi paghahain ng SALN at hindi pagdedeklara sa SALN ng ilang ari-arian nito gayundin ang tax evasion at corruption issue.

Samantala, sinabi ni Umali na hindi pa malinaw kung ano ang magiging papel ni dating Senate President Juan Ponce Enrile bilang bahagi ng private prosecution team sa impeachment trial.

Bukod naman kay Enrile, payag din umanong maging private prosecutor si Atty. Tranquil Salvador at Atty. Dennis Manalo na kapwa naging abogado noon ni dating Chief Justice Renato Corona.

Facebook Comments