Manila, Philippines – Idiniin ni Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa ginawa nitong pag-revive sa Regional Court Administration Office-7 (RCAO-7).
Sa testimonya ni de Castro laban kay Sereno, iginiit nito na misleading ang ginawa sa kanila ng Punong Mahistrado.
Paliwanag ni de Castro, pinadalhan sila ng imbitasyon noong November 23, 2012 mula sa tanggapan ng Punong Mahistrado para sa pagbubukas ng RCAO-7 kung saan nalaman nila na ang imbitasyon ay para pala sa hiwalay na tanggapan na binuo ni Sereno na Judicial Decentralized Office sa Region 7.
Aniya, labag ito dahil ang JDO na binuo lamang ni Sereno ay hindi man lamang dumadaan sa approval ng en banc.
Nagbaba ng administrative order 175-2012 si Sereno kung saan nilikha niya ng solo ang JDO at itinatalaga nito si Sandiganbayan Justice Geraldine Econg bilang head gayong nagtataka sila sa pagkakatalaga kay Econg dahil hindi ito myembro ng Court Administrator.
Bukod dito, sinasagasaan din ni Sereno ang kapangyarihan ng Kongreso sa paglikha ng tanggapan ng gobyerno.
Nangako umano si Sereno na i-a-amend ang kanyang administrative order sa nilikhang JDO pero pinaasa at walang ginawa dito ang Punong Mahistrado.
Samantala, nainsulto naman si de Castro sa naging tanong sa kanya ni Cong. Rav Rocamora kung ano ang nararamdaman nito sa pagkakaappoint kay Sereno bilang Chief Justice.