Claim ng kampo ni Quiboloy na galing ito sa North Cotabato bago sumuko sa pulisya, kwentong kutsero lang

Natatawa na lang ang Philippine National Police (PNP) sa naging pahayag ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy na galing umano ito ng North Cotabato bago tuluyang sumuko sa mga awtoridad.

Ayon kay PNP Public Information Officer (PIO) Chief Police Colonel Jean Fajardo ang pagkakaaresto kay Quiboloy ay bunga ng kooperasyon ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa mga intel report na kanilang natanggap.

Matatandaang sa claim ng kampo ni Quiboloy, sinabi nilang galing sa North Cotabato ang pastor, pinulong pa nito ang mga kasapi ng KOJC bago tuluyang sumuko sa mga awtoridad.


Para kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. maituturing itong kwentong kutsero na hindi dapat paniwalaan ng publiko.

Aniya, ‘sinong pugante ang nasa labas na at babalik pa sa lugar kung saan siya hinahanap ng mga awtoridad para lamang sumuko?’

Kasunod nito, hinahayaan lamang ng pulisya kung ano man ang pinaninindigan ng mga kasapi ng KOJC.

Ang mahalaga aniya ay nasa kustodiya na nila ang puganteng pastor at 4 na kapwa akusado nito na nahaharap sa mga kasong child sexual abuse at non-bailable na qualified human trafficking case.

Facebook Comments