Itinumba ang alkaldeng akusado sa pananakit at pambabastos sa ilang masahista sa Cebu City, Biyernes ng hapon.
Pahayag ni Police Master Sergeant Carlo Balasoto, papunta na sana sa Cebu City Prosecutor’s Office si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro sakay ng police mobile nang biglang pababain at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nakatakdang sumailalim sa inquest proceeding si Navarro kaugnay sa reklamong physical injury at acts of lasciviousness.
Ayon pa kay Balasoto, pinalibutan ang sasakyan ni Navarro ng sampung armadong lalaki.
Tinambangan ang opisyal sa M. Velez Street, bandang alas-2:30 ng hapon.
Magugunitang na-hulicam ang panunutok at pambubugbog ng alkalde sa isang lalaking masahista makaraang hindi siya bigyan ng babaeng masahista.
Pinaratangan din ng panghihipo at pambabastos si Navarro nang isang babaeng nagmasahe sa kaniya noon.
Patuloy pa rin inaalam ng awtoridad ang motibo ng pananambangan sa pinuno.