Clark Resort, dapat imbestigahan dahil sa umano’y prostitusyon

Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang Clark Development Corporation at Philippine National Police para magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa Fontana Leisure Parks and Casino.

Ito ay makaraang maaresto sa loob ng resort facilities sa Clark Freeport Zone, Pampanga ang pitong Chinese na lalaki, anim na babaeng Chinese, at dalawang babaeng Vietnamese dahil sa umano’y pagsasagawa ng prostitution at human trafficking.

Ayon kay Hontiveros, hindi ito ang unang beses na may nadiskubreng illegal activity sa loob ng resort kung saan noong May 2020 ay unang natuklasan ang isang illegal underground hospital dito para sa tenants at manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO company.


Ipinaalala rin ni Hontiveros na noong December 2016 ay 15 casino rooms sa Fontana ang ipinasara ng Bureau of Immigration matapos maaresto rito ang halos 1,300 illegal Chinese workers.

Dismayado si Hontiveros na habang nahihirapan tayong mga Pilipino sa COVID-19 pandemic, ay may mga Chinese prostitution rings naman na patuloy pa rin ang operasyon sa bansa.

Giit ni Hontiveros na siyang Chairperson ng Senate Committee on Women, hindi natin dapat hinahayaan na nagiging pugad tayo ng prostitusyon at iba pang krimen.

Facebook Comments