Classroom-Building Bill, pinalalagyan ng safeguards ng isang senador para hindi ma-“Napoles”

Pinalalagyan ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ng safeguards ang panukalang Classroom-Building Bill, kung saan layong pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa tulong ng mga non-government organizations (NGOs) at civil society organizations (CSOs).

Nababahala si Lacson na magkaroon ng conflict of interest at posibleng ma-“Napoles” ang proyekto kung bibigyan ng malawak na papel ang NGOs at CSOs sa pagpapatayo ng mga school building at classrooms nang walang malinaw na mekanismo ng proteksiyon.

Tinukoy niya ang 2010 pork barrel scam kung saan ginamit umano ni Janet Lim-Napoles ang mga pekeng NGO para ilihis ang bilyong pisong pondo ng gobyerno.

Nilinaw naman ni Lacson na wala siyang tutol kung magiging aktibong katuwang ng pamahalaan ang mga NGOs sa school building program, basta’t may sapat na safeguards.

Tugon naman ni Senator Bam Aquino, na may-akda ng panukalang batas, kaya inaalis sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pangunahing responsibilidad sa pagtatayo ng mga silid-aralan ay dahil nadawit umano ang ahensya sa maraming isyu ng katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Sa ilalim ng panukala, papayagan ang mga LGU at kwalipikadong NGO na tumanggap ng proyekto.

Dagdag pa ng senador, napatunayang mas mura ang standard cost ng pagpapatayo ng classroom kung LGUs kasama ang NGOs at CSOs ang gumagawa, na nagkakahalaga lamang ng humigit-kumulang ₱1.3 milyon hanggang ₱2 milyon, kumpara sa DPWH na umaabot sa ₱3.5 milyon ang halaga ng isang silid-aralan.

Facebook Comments