
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda ng kasunduan na magbibigay ng mas malaking papel sa mga lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng mga silid-aralan sa kani-kanilang lugar.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Department of Education (DepEd) ang magtatakda ng disenyo at kalidad ng mga silid-aralan at maglalaan ng pondo.
Ang mga local government unit (LGU) naman ang mangangasiwa sa pagbili ng mga materyales at sa aktuwal na pagpapatayo ng mga gusali.
Direktang ililipat sa mga LGU ang pondo upang mapabilis ang konstruksyon at maiwasan ang mabagal na proseso o red tape.
Tiniyak ng Pangulo na hindi mauuwi sa ghost projects ang programa dahil ang mga residente mismo ang magbabantay at maaaring magsumbong kung may makikitang problema.
Hindi rin agad tatanggapin ang mga gusali hangga’t walang written validation mula sa DepEd na pasado sa pamantayan ang kalidad ng mga silid-aralan.
Layunin ng kasunduan na tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa.
Sa unang yugto ng programa, target na makapagtayo ng 4,000 bagong silid-aralan sa iba’t ibang lalawigan.










