Classrooms na natapos maitayo ng DPWH hanggang ngayong Oktubre, aabot pa lang sa 22

Aabot pa lang sa 22 classrooms ang natapos na maitayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hanggang Oktubre ngayong taon.

Sa budget hearing ng DPWH sa Senado, binusisi ni Senator Bam Aquino kung ilan na ang nagawang silid-aralan mula nang magumpisa ang taon at kung ilan pa ang inaasahang magagawa bago matapos ang 2025.

Mismong si DPWH Secretary Vince Dizon ay hindi makapaniwala sa baba ng bilang ng natapos na classrooms.

Ayon kay Dizon, para sa taong ito, sa 1,700 na dapat gawin ng ahensya nasa 22 pa lang ang completed o natapos habang mayroong 882 classrooms ang hindi pa nasisimulan o ginagawa pa lamang.

Ikinalungkot ng kalihim na nasa 15.43% lang ang nagagawa ng DPWH at kasabay nito ay nagbabala si Aquino na kung magpapatuloy ang rate na ito, ang 146,000 na backlog sa classrooms ay maaaring tumaas pa sa 200,000 pagsapit ng 2028.

Samantala, suportado ni Dizon ang panukala ng Senado na tanggalin sa DPWH ang pondo sa pagpapagawa ng mga silid-aralan at ibigay na lamang ang pondo direkta sa mga LGU at kailangan na rin maging agresibo sa PPP partnership upang mapabilis ang pagpapagawa ng mga kailangang classrooms.

Facebook Comments