Sa harap ng napipintong pagbabalik sa kalsada ng mga traditional jeepney, nanawagan sa Land transportation Office (LTO) ang isang makakalikasang grupo na agresibong ipatupad ang Clean Air Act, partikular ang Section 16 o ang ‘Roadworthiness of Motor Vehicles’.
Sa isang statement, sinabi ni Clean Air Philippines Movement President Atty. Leo Olarte, dapat na mapanitili ang nakamit na clean air status sa panahon ng lockdown.
Hindi na aniya dapat payagang makabalik sa kalsada ang mga motor vehicles na hindi na road worthy.
Ginawa ni Olarte ang pahayag bilang tugon sa banta ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna na susunugin nila ang kanilang mga jeepney sakaling hindi sila payagan ng gobyerno na makabalik-operasyon.
Base sa datos ng DENR, 80% ng air pollution sa Metro Manila ay nagmumula sa ibinubugang itim na usok ng mga bulok na sasakyan.
Base naman sa 2018, World Health Organization (WHO) report, naitala ang pitong milyong nasawi dahil sa pagkakalantad sa polluted air.
Dito umano nakukuha ang mga sakit tulad ng stroke, heart disease, lung cancer, Chronic Obstructive Pulmonary Diseases, respiratory infections, kabilang na ang pneumonia.
Nagpapabilis din nito ng komplikasyon sa pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Dagdag ng grupo, bagamat kinikilala nila ang karapatang makapag-hanapbuhay ng mga jeepney driver, dapat ding isaalang-alang ang buhay ng nakararaming Pilipino.