Cleansing program sa hanay ng PNP, mas pinaigting; 5,000 mga pulis, nasibak sa serbisyo simula 2016

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila ihihinto ang kanilang cleansing program para mabigyang leksyon ang mga naliligaw na landas na kabaro.

Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, bukas palagi ang pamunuan ng PNP sa pagtanggap ng reklamo laban sa mga tiwaling pulis.

Ayaw niya raw na makaapekto sa kanilang misyong pagsilbihan ang publiko ang mga tauhan nilang tiwali kaya’t hindi ito kinukunsinti ng PNP.


Sa katunayan aniya, batay sa kanilang talaan mula July 2016 hanggang January 12, 2022 may 37,124 administrative cases ang hinahawakan ng PNP Internal Affairs Service.

Pero majority aniya sa mga ito ay resolved na habang ang iba ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Sa mga naresolbang kaso, mahigit 20,000 pulis ang pinarusahan na karamihan ay humarap sa suspension.

Ngunit ang malala, may 5,000 police officers ang tuluyang sinibak sa serbisyo dahil napatunayang gumawa ng katiwalian.

Nakalulungot ayon kay PNP chief pero kailangang maparusahan ang mga pulis na napatunayang gumawa ng katiwalian para na rin sa kapakanan ng organisasyon.

Facebook Comments