Pino-proseso na ng pamahalaan ang pagpapauwi sa mga labi ni Jullebee Ranara, ang Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na pinatay, sinagasaan at sinunog ng 17-anyos na anak ng kanyang employer sa Kuwait.
Ayon kay Toby Nebrida, tagapagsalita ng Department of Migrant Workers (DMW), naghihintay pa sila ng clearance para maibiyahe pauwi ng Pilipinas ang mga labi ng OFW.
Nagpasalamat naman ang ahensya sa mabilis na pagkakaaresto sa suspek ng mga awtoridad sa Kuwait.
Samantala, sinisilip na rin ng ahensya ang posibleng pananagutan ng recruitment agency ni Ranara.
Ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, inaalam nila kung namo-monitor ba nang mabuti ng recruiter si Ranara mula nang naipadala ito sa Kuwait.
Sa ilalim ng panuntunan ng DMW, dapat na mayroong monitoring at regular reporting ang mga agency hinggil sa kalagayan ng mga OFW lalo na ang mga nagtatrabaho bilang kasambahay.
Samantala, walang plano ang DMW na magpatupad ng deployment ban matapos ang insidente.
Sa halip, ikinokonsidera ng ahensya na magkaroon ng reporma sa bilateral labor agreement ng Pilipinas at Kuwait.