CLEARING OPERATION SA ALICAOCAO OVERFLOW BRIDGE, TINUTUTUKAN NG POSD

Cauayan City, Isabela- Kasabay ng nararanasang pag-uulan ay kabilang sa mga tinututukan ngayon ng Public Order and Safety Division o POSD Cauayan sa pamumuno ni Ret. Col Pilarito Mallillin ang paglilinis sa Alicaocao Overflow Bridge.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Pitok Mallillin, ang kanilang ginagawang clearing operation sa nasabing tulay ay paghahanda na rin ngayong panahon ng tag-ulan para malinis ang tulay at maiwasan ang clogging na nagdudulot ng pag-apaw ng tubig na dahilan rin ng closure o pagsasara sa tulay.

Una nang isinara sa mga dumadaan o motorista ang nasabing tulay nitong mga nakalipas na araw dahil sa ginagawang paglilinis kung saan sa kasalukuyan ay bukas at passable na muli ito sa mga nais na dumaan.

Ayon pa kay Malillin, nababawasan naman aniya ang kanilang mga natatanggal na debris o mga bumarang kahoy at waterlilies sa tulay kumpara nitong mga nakaraang linggo na halos mabalot ng mga waterlilies at maliliit na kahoy ang paligid ng overflow bridge.

Dinadala naman ang mga nakukuhang debris at waterlilies sa sanitary landfill ng Lungsod gamit ang mga heavy equipment.

Bukod dito, sinabi pa ng Hepe na sa tuwing makakaranas ng tuloy-tuloy na pag-uulan dito sa Lungsod ay asahan ang kanilang pagsasagawa ng clearing operation katuwang ang mga opisyal ng barangay at mga partner agencies para hindi maipon at bumara sa tulay ang mga naaanod na kahoy at waterlilies mula sa mga karatig na probinsya.

Samantala, mahigpit na pinapaalalahanan ang mga nangunguha ng panggatong sa mga gilid ng Alicaocao overflow bridge na iwasang manguha sa mga nakabalandrang kahoy para mailayo sa kapahamakan o peligro.

Sinabi pa ni Malillin na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pangangahoy sa gilid ng tulay dahil oras aniya na kapag hindi nakapag-ingat ay malaki ang tiyansa na mahuhulog sa ilog at tuluyang malulunod.

Kaya naman paalala nito sa mga Cauayeño na huwag isakripisyo ang buhay para lamang sa kukuning panggatong.

Facebook Comments