Clearing operation sa paligid ng mga paaralan sa Maynila, palalakasin pa ng MMDA

Palalakasin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang clearing operations partikular sa mga “school area” o mga lugar kung saan may mga paaralan sa iba’t ibang lugar sa Maynila.

Ito’y ay kaugnay ng pagbabalik ng face-to-face classes sa darating na Agosto.

Kaugnay niyan, magsagawa ng clearing operations ang MMDA Task Force sa mga kalsadang malapit sa Polytechnic University of the Philippines o PUP sa Sta. Mesa.


Ayon kay Col. Bong Nebrija, na siyang pinuno ng MMDA Task Force, na-tow ang hindi bababa sa 18 na sasakyan tulad ng mga pribadong kotse, isang delivery van at mga tricycle; habang higit 40 ang apprehensions dito.

Sinabi ni Nebrija, batay sa kautusan ni MMDA OIC Baltazar Melgar, papaigtingin pa nila ang clearing operations sa mga lugar kung saan naroroon ang mga eskwelahan upang matiyak na kapag nagpasukan na ang mga estudyante ay walang obstructions o sagabal sa mga lansangan at sidewalks.

Dagdag pa ni Nebrija, inatasan na rin ang mga MMDA district heads na makipag-ugnayan sa mga barangay at mga paaralan para magtulong-tulong at matugunan kaagad ang iba pang mga problema bago pa man ang pagbabalik ng face-to-face classes.

Sinimulan na rin nng MMDA ang paglalagay o remarking ng mga road sign habang pinipinturahan na ring muli ang mga pedestrian lane sa mga school area para mas lalo itong makita ng mga motorista.

Facebook Comments