Sa kabila ng paulit-ulit na operasyon na ikinakasa ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Baclaran hindi pa rin nagsasawa ang mga ito sa pagsasagawa ng clearing operations at muling binalikan ang naturang lugar.
Pinangunahan ni Col. Memel Roxas ang sidewalk clearing operations mula Roxas Boulevard sinuyod ang Redemptorist road kumaliwa sa FB Harrison patungo sa direksyon ng EDSA extension.
Tulad nang mga nakalipas na operasyon, kanya kanyang baklasan ng mga tolda ang mga street vendors, pati yung mga payong lamesa at upuan na lumagpas sa itinakdang linya ay agad pinagbabaklas ng mga tinder at tinder.
Ang iba pa sa kanila ay ayaw umalis sa kanilang mga pwesto kahit ilegal sa pagbabakasakaling pagbibigyan sila ng MMDA dahil malapit na ang Pasko pero hindi pa rin sila pinatawad ng MMDA.
Bunsod nito maraming rolling stores ang kinumpiska, ilang sasakyan din ang na-tow dahil sa illegal parking, mga motor riders na tinekitan dahil walang helmet at mga tricycle at kuliglig ang in-impound.
Kasunod nito umaapela ang MMDA sa mga vendors na sumunod sa batas dahil hindi sila magsasawang magkasa ng operasyon hangga’t hindi natututo ang mga Pinoy.