
Tuloy-tuloy ang isinasagawang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga rutang daraanan ng andas bilang paghahanda sa Traslacion 2026.
Ito ang tiniyak ni MMDA Special Operations Group–Strike Force Head Gabriel Go sa isang ambush interview kaninang umaga.
Ayon kay Go, hindi lamang ngayong umaga isinasagawa ang clearing operations kundi babalikan pa ito mamayang hapon hanggang sa mismong araw ng pista.
Sa pag-iikot ng MMDA, kasama ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG), may ilan pa ring naitalang mga obstruction at iligal na nakaparadang sasakyan sa mga kalsada na agad na sinita, tinikitan, at hinatak.
Umabot na sa 14 violators ang naitala ng ahensiya at inaasahang maaari pa itong tumaas hanggang 50.
Nanawagan si Go sa publiko, lalo na sa mga nakatira at may establisimyento sa mga rutang dadaanan ng Traslacion, na iwasan ang paglalagay ng mga obstruction at ang iligal na pagparada sa mga kalsada.
Samantala, iginiit din niya na hindi lamang para sa Traslacion isinasagawa ang clearing operations, partikular sa mga Mabuhay Lane gaya ng Carlos Palanca, dahil tuloy-tuloy itong ipatutupad at babalik-balikan ng MMDA.










