Bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Pasig River at Manila Bay, tuluy-tuloy pa rin ang isinasagawang clearing operations sa mga estero maging sa mga kanal sa lungsod ng Maynila.
Ang nasabing clearing operations ay hakbang na rin ng lokal na pamahalaan bilang paghahanda dahil sa Bagyong Ambo.
Sa mga nakalipas na araw, nagsagawa ang Manila Department of Public Services o “DPS Estero Rangers” ng clearing operations sa Estero de Magdalena sa Barangay 257 at sa Estero de Bambang sa Barangay 265.
Iba’t-ibang klase ng basura ang nakuha rito tulad ng mga boteng plastik, styrofoam at sachets, mga diaper at iba pa.
Nagsagawa rin ng declogging operations sa mga kanal upang matanggal ang mga basura at para maiwasan ang pagbaha.
Wala na ring makikitang mga informal settler na nakatira sa gilid ng Estero de Magdalena matapos na mailipat sa mga pabahay ng pamahalaan kung saan maging ang Estero de Binondo ay kakaunti na rin ang mga basura.
Sa ngayon, wala pa namang pre-emptive evacuation na isinasagawa sa lungsod ng Maynila pero base sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakahanda naman na ang mga evacuation area gaya ng Rosauro Almario Elementary School, Rasac Covered Court at Baseco Evacuation Center.
Samantala, inanunsiyo ng Bureau of Customs (BOC) na pansamantala nilang sinuspindi ang vessel, gate at yard operation ngayong araw dahil sa banta ng Bagyong Ambo sa kalakhang Maynila.