Hindi sapat ang mga polisiyang ginagawa ngayon ng mga bansa upang mapababa ang greenhouse gas emission.
Base ito sa Emission Gas Report 2022 na inilabas ng United Nations Environment Program (UNEP) sa gitna ng isinasagawang Climate Change Conference o COP 27 sa Egypt.
Ayon kay Leandro Buendia, isang international climate change consultant, posibleng tumaas sa 2.8 degree celsius ang temperatura ng mundo sa kabila ng mga ginagawang hakbang ngayon ng mga bansa upang malimitahan ito sa 1.5 degree celsius.
Kaya kung hindi aniya pakikinggan ng malalaking bansa ang panawagang magbawas ng greenhouse gases, mas malalakas na ulan at bagyo ang maaaring maranasan kung saan pinakaapektado ang mga developing country gaya ng Pilipinas.
Banta rin ito sa food security dahil posibleng bumaba ang ani bunsod ng mataas na temperatura.
“Alam naman natin, kapag malakas ang ulan, nandyan ang mga baha, landslide, kapag malakas ang bagyo maraming nasisirang pananim and then, it will be a threat to our food security, and then, kung kakaunti ang pagkain, magkakaroon ng problema economically. Chain reaction yan e. Batid naman natin at nakikita na natin ang epekto ng climate change,” ani Buendia sa interview ng RMN Manila.
Kung hindi naman marami ang tubig, kakaunti ang tubig. You have drought, nandyan ang sunog sa mga kagubatan, hindi makatanim dahil walang tubig, so ganon ang sitwasyon,” dagdag niya.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Buendia ang pagpapaganda ng irrigation system sa bansa upang mapaghandaan ang nagbabadyang epekto nito sa mga pananim.
“Kung tataas ang temperatura, magkakaroon ng potential na bumaba ang mga ani dahil hindi nakaka-adapt ang mga halaman. Para mapigilan yan, may mga paraan, yung tamang pagpaplano at pagtatanim at yung suporta sa irigasyon napaka-importante,” aniya pa.
Dapat din aniyang tulungan ng mayayamang bansa ang mahihirap na bansa na makapag-develop ng renewable energy upang mabawasan ang pagkonsumo sa coal at fuel na malaking source ng mga emisyong nagpapainit sa mundo.
“Ako I will be lying na hindi natin kailangan ‘yang mga oil at saka may sasakyan ako, pero hindi yan ang isyu e. Ang isyu, we know it now na mali yung teknolohiya sa paggamit nitong mga ‘fuel from hell.’ Dapat i-develop natin yung mga ‘fuel from heaven.’ Kasi wala tayong kakayahang mag-develop ng mga yan e,” saad pa ni Buendia.
“Solar panel, kita mo naman, ginagawa mostly yan sa Germany, sa China. If we talk about windmill, ang teknolohiya na yan Denmark ang number one dyan. So, yung mga ganong tema, ibig sabihin, ang mayayamang bansa, aba’y dapat suportahan niyo nang husto ang development niyan at ipamahagi ninyo sa mahihirap na bansa.”