Palalakasin ng Climate Change Commission (CCC) ang puwersa ng local government units (LGUs) nito upang matugunan ang nararanasang climate change sa bansa.
Ayon kay CCC Vice-Chairperson at Executive Director Robert Borje, pinirmahan ng kanilang hanay at ni First Gen. President at Chief Operating Officer Francis Giles Puno ang Memorandum of Agreement (MOA) na susuporta sa LGUs para pagandahin ang kanilang local climate change action plans o LCCAPS at kung papaaano magkakaroon ng access sa people’s survival funds.
Layunin din ng MOA na i-update ang climate and disaster risk assessments at greenhouse gas inventory ng mga LGUs.
Batay sa talaan ng CCC, as of January 19, 2023, nasa 1,715 LGUs mula sa 1,399 ang nakapagsumite ng kanilang LCCAPS kung saan inaasahan ng komisyon na maabot ang isang daang porysentong compliance sa taong 2024.
Binigyang-diin ni Borje na target din ng MOA na mas patatagin pa ang mga lokal na komunidad sa mga negatibong epekto ng climate change.
Sinabi pa ng opisyal na buhay, kabuhayan, at kinabukasan ang nakataya kaya kailangang magtrabaho ang pamahalaan kasama ang lahat ng stakeholders para maging matagumpay ang bansa sa epekto ng climate change.
Ang MOA signing ay sinundan ng pagtatanim ng seedlings ng narra, ipil, banuyo at supa trees sa binhi arboretum sa Antipolo City.