Hindi na itutuloy ang clinical trial sa Pilipinas para sa kontrobersiyal na anti-parasitic drug na Ivermectin bilang COVID-19 treatment.
Ito ang kinumpirma ni Department of Science and Technology Secretary Fortunato de la Peña batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Health at ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) governing council.
Ayon kay De la Peña, napadesisyunang huwag ng ituloy ang pag-aaral para evaluate ang efficacy, safety at epekto ng viral clearance ng Ivermectin sa mga COVID-19 patients.
Ito ay dahil na rin aniya sa pagkaantala sa deliverables at kawalan ng clinical benefits ng ivermectin base sa isinagawang pag-aaral, gayundin ang issuance ng rekomendasyon laban sa paggamit nito at availability ng effective therapeutics para sa early phases ng COVID-19.
Matatandaang naging mainit na debate ang paggamit ng Ivermectin matapos ang apela ng ilang physicians sa gobyerno na gawin itong available sa mga pasyente ng COVID-19 na hindi makapasok sa ospital noong kasagsagan ng surge ng respiratory illness sa bansa.