Gagamitin lang sa mga COVID-19 mild cases ang herbal medicine na Lagundi.
Ito ang paglilinaw ni Department of Science and Technology (DOST)-Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya matapos aprubahan ng Food and Drug Adminstration ang clinical trials sa Lagundi bilang supplemental treatment laban sa sintomas ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila kay Montoya, sinabi nito na magiging kalahok sa human trial ang mga COVID-19 patient na may mild symptoms sa Quezon Institution Quarantine Center, Sta. Ana Hospital at PNP-NCR Community Quarantine Center.
Layon aniya nito na matugunan ang mga sintomas gaya ng ubo, lagnat o kaya pananakit ng lalamunan.
Samantala, posible namang makita na sa susunod na dalawang buwan ang mga inisyal na resulta ng pag-aaral sa isinasagawang clinical trial tungkol sa Virgin Coconut Oil (VCO), na may “anti-viral property” habang hinihintay na lang ng DOST ang pag-apruba ng FDA na isailalim sa clinical trials ang Tawa-tawa.