Inanunsyo ng Department of Science and Technology na ang clinical trial ng Virgin Coconut Oil (VCO) bilang adjunct treatment para sa mga pasyenteng may moderate at severe cases ng COVID-19 ay matatapos na sa buwan ng Hulyo.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, ang ahensya ay nagsasagawa ng clinical trials gamit ang VCO para tulungan ang COVID-19 treatment.
Pero sinabi ng kalihim na may ilang hamon na nagiging sagabal sa pagpapatuloy ng pag-aaral.
Kabilang na aniya rito ang bilang ng mga participant na kailangan sa pag-aaral.
Kailangan ding i-analyze ang co-morbidities ng mga sasali sa trial.
Bukod dito, ang pag-aaral ay isinagawa sa Philippine General Hospital (PGH) sa Manila, subalit nagkaroon ng sunog noong Mayo na nakaapekto sa timeline ng clinical trial.