Nakikitaan ng Department of Science and Technology (DOST) ng ‘promising results’ ang clinical trials sa virgin coconut oil bilang food supplement para makatulong sa pagpapagaling ng mga mayroong COVID-19 infections na isinasagawa sa Santa Rosa, Laguna.
Ayon kay Science Secretary Fortunato Dela Peña, mayroong 40 volunteer-patients ang sumali sa trials, nasa 10 na lamang ang natitira sa Santa Rosa Community Hospital matapos magbigyan ng treatment at medical care.
Hinihintay na lamang aniya na matapos ang trials para makumpleto ang analysis.
Plano ng DOST Food and Nutrition Research Institute na mag-enroll pa ng maraming volunteers para sa trials.
Bukod dito, nais din ng ahensya na magsagawa ng clinical trials ng virgin coconut oil sa iba pang ospital para mapabilis ang research at development na magsisilbing patunay na mayroon therapeutic claims ang virgin coconut oil laban sa COVID-19.
Bukod sa Santa Rosa Community Hospital, isasagawa rin ang virgin coconut oil clinical trials sa University of the Philippines – Philippine General Hospital.
Nabatid na naglaan ang DOST ng nasa ₱5 million para sa naturang clinical trials.