Posibleng ikasa sa ikaapat na linggo ng Hunyo ang walong buwang clinical trial sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot sa COVID-19.
Batay sa report ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, planong ipatupad ang clinical trial kapag inaprubahan na ito ng Food and Drug Administration (FDA).
Layunin ng pag-aaral na magbigay ng datos sa efficacy, safety at effect ng viral clearance ng Ivermectin sa mga asymptomatic at non-severe Filipino patients.
Sinabi naman ni DOST-PCHRD Executive Director Dr. Jaime C. Montoya na wala pang tiyak na petsa kung kailan isasagawa ang clinical trials.
Aniya, isasalang pa ito sa ethics review at sa FDA.
Ang research protocol, kabilang ang timeline ng clinical trial at target participants ay inaasahang isusumite para sa technical review ngayong araw.
Ang technical review at ethics review ay kadalasang inaabot ng dalawa hanggang tatlong linggo at nakadepende rin sa reviewers.
Ang clinical trials ay pangungunahan ng research team mula sa University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) sa pamumuno ni Dr. Aileen Wang.