Nagsasagawa ngayon ng law enforcement operation ang militar at pulis laban sa ISIS-inspired terrorist group na Daulah Islamiyah-Maute sa Lanao del Sur.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Ramon Zagala, kaninang madaling araw nang ikasa ng 103rd Brigade ng Philippine Army at ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon laban sa mga terorista sa bayan ng Maguing.
“Ito’y pinamumunuan ni 103rd Brigade Commander Jose Maria Cuerpo laban sa mga teroristang grupo na pinamumunuan naman ni Abu [Zakariya] na meron siyang warrant ‘no? Heavily armed to ‘no kaya hindi pwedeng basta abutan ng warrant, pero may warrant siya, kaya yan ang naging basehan ng ating operation,” ani Zagala.
Kaugnay nito, nagpadala na rin ang militar ng close air support sa lugar upang protektahan ang mga pulis at sundalo mula sa mga anti-personnel mine.
Tiniyak naman ni Zagala na iingatan nila ang mga residenteng posibleng madamay sa engkwentro.
“Humingi tayo ng konting paumanhin sa mga kababayan natin na narinig yung close air support. Ito po e kinakailangan upang maprotektahan ang ating mga kasundaluhan at kapulisan na palapit na sa area ng mga terorista,” saad niya.
“Of course lahat ng ating operation ay deliberate. As much as possible ayaw natin na may maaabala o masasaktan na mga inosenteng kababayan natin.”
Bukod dito, hindi na muna nagbigay ng iba pang impormasyon si Zagala bilang bahagi ng operational security.