‘Close distance maneuvering’ incident ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc, kinondena ni De Lima

Mariing kinondena ni Senator Leila de Lima ang napaulat na close distance maneuvering incident ng isang Chinese coast guard vessel sa BRP Malabrigo sa Bajo de Masinloc nitong March 2.

Giit ni De Lima, hindi lang dapat kondenahin ng gobyerno ang naturang insidente bagkus ay gumawa ng aksyon upang mapigilan ang mga chinese vessels na lumabag sa 1972 international regulations for preventing collisions at sea.

Dagdag pa nito, may karapatan ang bansa sa Bajo de Masinloc o ang Panatag Shoal dahil sakop ito ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea.


Mababatid na ito na ang ika-apat na insidente ng close maneuvering ng Tsina laban sa mga barko ng Pilipinas.

Dahil dito, umaasa si De Lima na mahimok lalo ang gobyerno na tumindig laban sa tsina partikular sa karapatan natin sa territorial waters partikular sa West Philippine Sea.

Matatandaang sinabi rin ng lady senator na dapat ilagay sa top 5 priority ng mga tatakbong kandidato sa presidente, bise presidente at maging ang mga senador ang issue sa West Philippine Sea upang mapatunayan ng mga ito ang kahalagahan ng ating national sovereignity at territorial integrity.

Noong nakaraang taon naman ay naghain si Senator De Lima ng isang senate resolution na naghihimok sa gobyerno na gamitin ang lahat ng legal at diplomatic actions laban sa Tsina na manindigan sa sovereign rights ng bansa sa pinag-aagawang West Philippine Sea.

Facebook Comments