Cauayan City, Isabela- Nasa 25 sako ng asin ang ginamit ng pwersa ng Tactical Operations Group 2-Philippine Airforce (PAF) matapos ang ginawang kauna-unahang cloud seeding operation sa Isabela ngayong taon.
Ayon kay Col. Augusto Padua, commander ng TOG2, ito ay kahilingan ng Provincial Agriculture ng Isabela dahil sa may kakulangan sa tubig-ulan sa mga pananim na mais.
Aniya, inabot ng nasa 1 oras ang paglalagay ng mga asin sa kaulapan na inaasahang magtutuloy-tuloy para masigurong magiging maayos ang pananim ng mga magsasaka lalo pa’t may kakulangan sa suplay ng tubig.
Giit pa ni Col. Padua, naglaan din ang kanilang hanay ng 10 oras para sa operasyon ng cloud seeding sa lalawigan gamit ang Nomad 22 mula sa Mactan, Cebu.
Kasama rin aniya sa adhikain ng PAF ang pagsasagawa ng cloud seeding operation bilang suporta sa national development mission katuwang ang DA Isabela.