Nagpalabas ng status quo ante order ang Korte Suprema laban sa ilang resolusyon ng Comelec na nag-uutos ng clustering at pagbabago sa ilang polling places sa Sulu.
Partikular na ipinahinto ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng clustering, de-clustering, transfer, alteration at pagtatag ng ilang voting precincts sa Sulu.
Ang Status Quo Ante Order ay ipinalabas ng Supreme Court (SC) kasunod ng mga petisyon na inihain nina Almedzar Hajiri na residente ng Sulu, Sulu Gubernatorial Candidate Abdusakur Tan at Sulu Congressional Candidate Nurhaipa Berto.
Nais din ng mga petitioners na ipawalang-bisa ng SC ang mga resolusyon na inisyu ng Comelec sa pagitan ng March 20 at March 22 at ibalik ang dating clustering ng mga presinto.
Iginiit nila na walang mabuting rason at matinding pangangailangan para sa declustering, paglilipat at pagbabago ng lugar ng botohan sa Sulu at taliwas pa sa rekomendasyon ng Election and Barangay Affairs Department.
Naniniwala rin ang mga petitioners na politically-motivated ang mga pagbabago sa clustering.