
Naglabas ngayon ng ikaapat na video si dating Congressman Elizadly Co sa kanyang Facebook page kung saan niya sinabi na plano daw ng administrasyon na palabasin syang terorista para mailibing kasama nya ang katotohanan ukol sa matinding korapsyon sa kaban ng bayan.
Kwento ni Co, mula 2022 hanggang 2025 ay umabot sa ₱56 billion ang napuntang kickback para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez mula sa mga flood control projects sa bulacan.
Sabi ni Co, bukod pa rito ang ₱25 billion na kickback ni PBBM at Romualdez mula sa ₱100 billion na pinasingit ng pangulo sa 2025 national budget.
Dagdag pa aniya dito ang kickback mula sa ₱97 billion na flood control insertions sa 2026 National Expenditure Program.
Kwento ni Co, nagsimula ang lahat noong pag-upo nya bilang chairman ng appropriations committee noong 2022 ay sinabihan sya agad ni Romualdez na mag-deliver kada buwan ng ₱2 billion.
Kasunod nito ay tumawag din daw sa kanya si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at nagsabing tulungan ang problema ng Bulacan sa baha at nasundan ito ng pagpunta sa kanyang opisina ni dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Ayon kay Co, nilatag ni Alcantara ang plano ng hatian sa kickback kung saan 22 percent ay para kay Romualdez, 2 percent kay Bernardo at 1 porsyento kay Alcantara.
Sabi ni Co, ang mga tao nya ang nakikipag-uganayan sa mga tao ni Alcantara para sa deliveries ng bilyones na kickback sa bahay ni Romualdez sa North Forbes Park, McKinley Drive at sa Number 14 Narra St. South Forbes Park.
Pero ayon kay Co, noong November 2024 ay sinabihan sya ni Undersecretary Jojo Cadiz na nagagalit si PBBM dahil wala daw itong natatanggap na remittance.
Kaya sabi ni Co, noong December 2 ay personal syang nagbigay ng 200 million kay Cadiz para kay PBBM at ₱800 million noong December 5 na pareho umano inihatid ni Cadiz sa bahay ni PBBM sa number 41 Narra Street South Forbes Park.
Ayon kay Co, binanggit din sa kanya ni Romualdez na iniutos ni PBBM ang pagbili ng isang bahay sa number 30 Tamarind Street South Forbes Park na syang ginagamit na bagsakan at imbakan ng pera mula sa SOP at deliveries na para sa pangulo.









