COA districts na may ghost flood control projects, pinaiimbestigahan

Hinimok ni Senator Kiko Pangilinan ang Commission on Audit (COA) na imbestigahan ang lahat ng distrito ng komisyon na may kontrobersyal na flood control projects.

Ito’y matapos isiwalat ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na tumanggap ng kickback mula 2023 hanggang 2025 si COA Commissioner Mario Lipana at ang maybahay nito ay napag-alamang aktibong government contractor na nakakuha ng maraming proyekto.

Ayon kay Pangilinan, kailangang masilip at pagpaliwanagin ang mga auditors ng mga rehiyon at distrito na mayroong kontrobersyal na flood control.

Mas magiging malaking problema kung mapatunayang ang maybahay nitong si Marilou Lipana ay sangkot sa substandard o ghost projects at lalabas na ito ay hindi dumaan sa tamang auditing at maging rason ng impeachable offense laban sa Commissioner.

Samantala, nagpaalala si Pangilinan sa publiko at mga awtoridad na maging maingat at timbanging mabuti ang mga ebidensya sabay giit na maaaring gawa-gawa lang ang ebidensya para makapanlito o mailihis ang katotohanan.

Facebook Comments