Hinimok ng ilang mambabatas ang Commission on Audit (COA) na busisiin ang lahat ng naging gastos ng gobyerno para sa COVID-19 response nito.
Kasunod ito ng mga nagsusulputang ulat hinggil sa umano’y overpriced na procurement ng mga kagamitan para sa patugon sa COVID-19.
Kahapon nang maghain ng resolusyon si Senadora Risa Hontiveros na humihikayat sa COA na magsagawa ng special audit bago pagdebatehan ng Kongreso ang proposed 2021 national budget.
Kabilang sa mga pinasisilip ay ang pagbili ng pamahalaan ng automated nucleic acid extractors na nagkakahalaga ng P4 million kumpara sa nabili ng pribadong sektor na nasa P1.75 million lamang.
Gayundin ang mga Personal Protective Equipment (PPE) sets na binili ng gobyerno sa halagang P1,800 gayong makabibili lamang nito sa merkado sa halagang P400 hanggang P1,000; at ang importasyon ng test kits mula China at Korea gayong mas mura ang test kits na gawa mismo dito sa Pilipinas.
Ang resolusyon ay pirmado rin nina Senators Ralph Recto, Sonny Angara, Panfilo Lacson, Franklin Drilon, Francis Pangilinan at Leila De Lima.