Pinuna ng mga senador ang parusa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA) sa pagsasapubliko ng mga nakikitang kakulangan, kapalpakan o maling pamamahala ng Department of Health (DOH) sa higit P67 billion pesos na COVID-19 response funds.
Diin ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, hindi sa COA ang problema kundi ang kapabayaan, katiwalian at palpak na pamumuno sa DOH na kinukunsinti ng Malacañang.
Tinanong din ni Pangilinan kung bakit sinasabon ang nagsiwalat ng kapalpakan at hindi ang mismong pumalpak.
Giit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi dapat magpa-apekto ang COA sa mga tirada ni Pangulong Duterte dahil ito ay isang independent constitutional body at hindi dapat ito dinidiktahan ng pangulo o ng Malacañang.
Paliwanag ni Lacson, ang COA findings at recommendations ay public documents at dapat mandato na ipaalam sa mamamayan kung paano ginagastos ang pera ng bayan.
Binanggit naman ni Senator Risa Hontiveros ang batas ng konstitusyon sa COA na bantayan ang paggastos ng iba’t-ibang ahensya sa perang nagmula sa buwis ng taumbayan.